The Truth About The Mayan Calendar


Noong isang gabi walang magawa ang mga kumag sa opisina kung hindi mag usap usap about sa new year na paparating. Kung totoo daw bang magwawakas na ang mundo nitong 2012. Gusto kong matawa, eh bakit ba naman hindi, eh anak ng tinapa, taon taon na lang yata mula noong year 1999 ay naririnig kong end of the world na daw pagsapit ng new year, eto nanaman ngayon.

Ang contention naman ng mga doomsday preachers sa grupo ngayon ay na predict na daw ni Nostradamus ang pagtatapos ng mundo ngayon at sinamahan pa daw ng patotoo ng Mayan Calendar, Naghanap pa ng damay ang mga anak ng tipaklong. Kinailangan pa nila ng hard eveidence para papaniwalain kami na magtatapos na nga ang mundo. Ako naman sa dami ng pinagkakautangan kong tao parang gusto ko nang sakyan ang mga death wish ng mga hindoropot dito sa opisina. parang winiwish ko na din na “sana nga Lord matuloy na this time”. Easy way out, front row seat to the end of the world and drama kumbaga. bwiset.

Hindi ko talaga lubos maisip kung bakit paniwalang paniwala ang mga mokong dito sa opisina sa Mayan Calendar na yan. Hindi ba nila alam ang totoong kwento ng Mayan Calendar na yan. Sa mga hindi nakakaalam, Pabayaan nyong Ikwento ko sa inyo ang katotohanan tungkol sa Mayan Calendar. Ganito yun..

Noong ika limang siglo sa lupang kilala natin ngayon sa pangalang Columbia, may isang kahariaan na tahanan ng mga taong nakabahag na pinamumunuan ng isang haring nakabahag din. Ang tawag sa grupo ng taong ito ay Maya.

Masayahing tao ang mga Maya, kung hindi sila nanunugod ng village ng ibang tribu, and past time nila ay mamugot ng ulo ng mga nabihag na kaaway bilang past time.

Isang araw bago mag bagong taon ipinatawag ng haring nakabahag ang  dalawa sa pinakamagaling na eskultor ng tribu. pagdating ng eskultor sa Palasyo ng hari, nagtaka ang mga eskultor kung bakit sila pinatawag  ng hari kaya tinanong nila ito

Eskultor 1: Mahal na hari bakit niyo po kami pinatawag?
Hari: May ipapagawa ako sa inyo.
Eskultor 2: Ano po ang maipaglilingkod namin
Hari: Nakikita ninyo yung bilog na batong iyon? (sabay turo sa batong nasa  gilid ng palasyo) nais kong gawan ninyo ako ng Tzolk’in gamit ang batong iyon.

Hindi naintindihan ng dalawang eskultor ang nais ipagawa ng hari sapagkat bago sa pandinig nila ang salitang tzolk’in. Ang tzolk’in ay isang coined word o pagsasama ng dalang salita, parang ang salitang ‘spork’ na ang ibig sabihin ay spoon and fork, or ‘taglish’ na pinagsamang Tagalo at english, o ang salitang ‘De kemerloo de eklavoo ‘ng mga bakla na hindi ko din naiintindihan. Anyway, balik sa kwento,

Eskultor 1: ano po ba ang ibig sabihin ng tzolk’in?
Hari: Count of Days
Eskultor 2: Ang alin ho?
Hari: ang Tzolk’in
Eskultor 1: Ano nga ho yun?
Hari: Taena, ibig sabihin nun kalendaryo mga ugok.
Eskultor 2: ah kalendaryo lang pala pinahirap niyo pa. Yun lang ang kailangang sabihin, kalendaryo, pa-tzolk’in tzolk’in pa eh.

Imumpisahan ng dalawang eskultor and pag-gawa ng kalendaryo. isang oras bago sumapit ang bagong taon natapos nila ang kalendaryo. kaagad nila itong dinala sa hari.
Hari: Bakit hanggang December 2012 lang ang petso dito sa tzolk’in na ito, tanong niya.
Eskultor 1: Mahal na hari, maliit lang ang binigay ninyong bato. hindi ho kasya hanggang 2013.
Hari: Ganoon ba? Maraming mapaparanoid dito sa kalendaryong ito pagdating ng araw.
Eskultor 2: Problema na nila yun mahal na hari. anong magagawa natin eh sadyang maliit lang talaga yung bato.
Hari: Kung sabagay. hala, di bale, ilagay niya na lang sa gilid yang tzolk’in na yan, inuman na lang tayo.

Yan po ang tunay na istorya ng Mayan calendar. Sana maibsan nito ang inyong pag aalala, yung mga kaopisina ko eh tila wala nang pag asang maliwanagan.

Happy New Year

Imaginariums

Nagising ako ng ala una ng umaga. ang ingay ng pusa ng kapitbahay namin, naglalampungan ang mga hinayupak. Siguro talagang wala sa bokabularyo ng mga pusa ang salitang “discreet” o talaga lang mahilig magpasikat ang mga hinayupak at nang -iinggit lang talaga. Oo alam kong wala akong sex for a long time pero di ko kailangan ang iba para ipamukha sa akin yun, much less, pusa! Ang ingay, pinilit kong hagilapin yung airsoft riffle ko sa dilim. Sa isip isip ko, maistorbo ko lang tong mga to at mabitin silang pareho amanos na kami.

Pagkahanap ko ng riffle pumuwesto ako sa bintana pero sa kasamaang palad, hindi ko makita kung nasaan ang mga hinayupak, siguro dahil sa madilim or siguro mali ako, alam din siguro nila ang salitang “discreet”. paksyet! Bumalik ako sa higaan na masama ang loob, di ako makabawi, di na din ako makatulog. paksyet talaga.

Naglalaro ang isip ko. Ang di ko mawari ay kung bakit sa lahat ng pwedeng isipin, naiisip kong Happy place ang imaginarium ni Vincent Van Gogh at Nakakamangha ang imaginarium ni Guillermo del Toro. wierd. nababaliw na yata ako.

So bumangon ako para manood ng TV, nanood ako ng documentary about EDSA 25 years after the people power. Naisip ko, aantukin ako sigurado nito, medyo boring ang narration ng dokyu. Ang daming mukha ng edsa ngayon, naisip ko tuloy yung kunduktor ng bus nung isang araw na nagtatawag ng pasahero habang nakatayo ako sa crossing, Panay ang sigaw niya ng ” Buni, Guadalopi, Ayala, Buni, Guadalopi, Ayala” Sa isip isip ko, “Buni? di ba makati yun?”

Hininaan ko ang volume ng TV, wala na yung mga pusang umaatungal. Pinatay ko ang TV, bumalik ako sa kama. Humiga at pumikit, mayamaya parang may naghahabulan sa bubong ng kapit-bahay, maya maya ay katahimikan sinundan ng atungal ng pusa na parang baby na umiiyak. Round 2 na nila. Paksyet talaga.

Buhay nga naman!

Sleep Talk

Let’s talk about the all sacred sleep. How long can you sleep during day time? How long will it take until you totally get adjusted with graveyard shifts and day sleep?

Naalala ko, bago ako pumasok sa trabahong ito, tinanong ako ng nanay kung kaya ko daw bang magtrabaho sa gabi. Dahil sa may katiting naman  akong tiwala sa sarili, sabi ko naman, “kayang kaya, ako pa”. dahil nga napasubo na sa kayabangan, pinilit kong pumasa sa interview, ginalingan kong mag-ingles dahil cute yung nag-iinterbyu, awa ng Diyos, ayun pumasa naman. Nag umpisa ang training, madali lang ang consonant at vowels, sinabihan na kasi ako dati sa kung anong dapat kong ieexpect, pero ampohta, walang nagsabi sa akin na mahirap matulog sa araw.

Ilang araw akong apat na oras lang ang tulog, pumapasok ako sa trabahong namumungay ang mata, parang bisugong lasing ang hilatsa ng mukha. Ang hirap matulog, ang nakakatawa pa, pag tinanong ka kung bakit parang inaantok ka, ang sagot mo; “di ako nakatulog buong araw eh?” Ayan,  diyan mo marerealize na baliktad na mundo mo. Napupuyat ka na sa araw, kaya inaantok ka na sa gabi.

Kinakabahan na ako sa kulang kong tulog, nag research ako sa internet about sleep deprivation para naman medyo mafamiliarize ko ang sarili ko sa kawalan ng tulog at para mawala na din kaba ko sa kalusugan ko. Pero naknanggalunggong, alam mo ba kung anong nahanap kong topic? Eto- How lack of sleep could shorten your life. Diyos na mahabagin, sino naming Poncio Pilato  ang makakatulog sa topic na yan. Parang nananakot.

Eto ang listahang ng mga topics and facts na hindi nagpatulog sa akin ng ilang araw. Pagpalain nawa ang mga author na nagsulat nito, asshole.

How lack of sleep affects your memory. Ito ay tungkol sa study sa US na nagdidetalye kung paano bumababa ang activity ng the temporal lobe sa brain pag may sleep deprivation. Ang temporal lobe ay ang parte ng utak ng tao na namamahala sa language processing. Isipin mo, kung ilang oras ang dapat mong ipuyat sa call center bago mo tuluyang makalimutan mag English.

Sleep deprivation and life span (sabay sign of the cross). Ito naman yung study na nagpapatunay daw na mas mahaba ang buhay ng mga taong nakakatulog ng seven hours pataas kesa sa mga taong natutulog lang ng anim na oras pababa. Ayon kasi sa pag-aaral na ginawa, kailanngan daw ng isang adult ng  pito hanggang walong oras na tulog para hindi maging lapitin ng sakit. Nyahaha. Nakakatawa, sa call center kasi, yung mga agents minsan, gustong magkasakit, yung iba naman nagsasakit-sakitan talaga para lang makapagabsent. O di ba? Aminin mo pare. Seven to 8 hours na tulog? Letse, paano ka pa naman makakagimik nyan?

Pero ito ang nakakabuwang sa topic na ito. May isang research na ginawa din sa US about the effects of sleep na ang mga respondent or test subjects ay mga cancer patients. Mahigit isang milyong pasyente and naging bahagi ng research na ito at napag-alaman na ang mga pasyenteng natutulog lang ng apat na oras pababa ay mas mahaba ang buhay kesa sa mga pasyenteng natutulog ng mahigit sa pitong oras. Naknggalunggong. Ano ba talaga ang totoo at dapat paniwalaan? Kanina lang mas maigsi and buhay ng sleep deprived, ngayon naman mas mahaba. Naisip ko tuloy, siguro depende na and sagot sa psychological set-up ng tao. Ito na siguro yung sinasabi ng professor ko dati na half empty or half full. Pag pessimist ka daw, ang baso na may laman na kalahating tubig ang tingin daw niya dito ay half empty, pero pag optimist ka, ang tingin mo daw sa basong kalahati ang laman ay half full. Ampohta. Kung buhay ko ang pinag-uusapan, lagi akong half-full.

Tapos eto pa; Effects of sleep deprivation to the human behavior. May lumang kasabihan na, “Magbiro daw sa lasing huwag lang sa bagong gising”. Tama naman, pero kulang, dapat ”Magbiro ka sa lasing huwag lang sa bagong gising na kulang sa tulog” o mas masahol ang “magbiro ka sa lasing wag lang sa bagong gising na lasing na kulang sa tulog” Sabi kasi sa topic na ito, Mas madali daw mag-init ang ulo ng mga taong kulang ang oras ng tulog lagi. Yun din siguro ang dahilan kaya bumili ako ng pellet gun para dun sa pusa ng kapit bahay naming na kahit tanghaling tapat ay nag-iingay na parang batang umiiyak. Ang ingay sa lovemaking ang hinayupak na pusa. Parang nang iinggit. Sa susunod titirahin ko na ng pellet gun ang hinayupak na pusang yon.

Ano pa bang topic ang meron? Ah, di bale saka na lang, tulog muna ako.

 

Kwentong Binyag

Binyag ng anak ni Joboy sa isang linggo. Kinukuha akong ninong. Hindi ko alam kung dapat akong maflatter o dapat kong batukan ang hinayupak na ito. Hindi ko alam kung kinukuha akong ninong dahil sa responsable, guwapo at mabait ako, at alam niyang may maituturo akong maganda sa kanyang unico hijo o dahil alam niya kung saan ako naglulungga tuwing pasko pag hinahanting ako ng mga inaanak. Information and accessibility is power ika nga, paksyet.

Ilang beses na din naming napagusapan sa inuman at sa banyo sa opisina ang pagnininong ko. Akala ko kwento lang yun ng naiihi o dinaman kaya ay deliryo ng lasing. seryoso pala ang bogaloid. Hindi ko tuloy alam kung san ako kukuha ng pondo para pambili ng baptismal accessories daw, Hindi ko maisip kung saan pinagkukuha ng bogaloid na ito ang mga terms niya. ang masama pa nun, habang dumadami ang terms na binabangit ng hinayupak na si Joboy para akong unti-unting lumulutang sa limbo. light headed at gustong mahimatay. parami ng parami ang bibilhin, parami ng parami ang gastos. paksyet, naisip ko, ganito din ba nag pakiramdam ng mga ninong ko noong binyag ko? ito na siguro yung tinatawag na karma.

Tinext ko si Joboy. “Kailangan ba ng muffler? leather seats, anong size ang customize na steering wheel, anong tatak ng sound system ang gusto mo? ”

nagtext back si gago “Pakyu anong tingin mo sa anak ko, volkswagen? Damit, full set, rosaryo at kaw na din bumili ng kandila. p.s. wag mo hawakan yung rosaryo, baka magliyab ka bigla, bwahaha”

nagtext back ako “Sige, bibilhan na din kita ng kandila, ipagtitirik na din kita. wag ka na magtext back papatayin ko na ang cp ko, asshole”

pagdating sa bogaloid na si Joboy. Gusto kong ako palagi ang huling magsalita. Kasi pag hindi mo siya pinigilan, hindi titigil sa kasasalita ang hayop. Ang daming kwento sa bulsa ang hinayupak, hindi nauubusan. Minsang nagkalasingan, naglitanya ang hinayupak about how proud he is sa pangalan ng anak niya. Three letters lang daw “Eon”. cool daw pakinggan at higit sa lahat, hindi daw mahihirapan magsulat ang anak niya. Gusto siyang batukan,  gusto kong sabihin bobo, tinuturuan mong maging tamad ang anak mo, kung pasusulat lang ng pangalan niya eh ineexpect mong tatamarin siya eh pano na sa ibang bagay? pero yun ang cool sa kanya, anong magagawa ko, di ko naman anak yun.

Pero naisip ko din naman na maayos na tatay din tong si Joboy kahit sa tuwing lasing lang siya normal kausap.Niisip din niya ang consequence ng mabahong pangalan. I know how it feels how to have that kind of name, Madalas kong isipin kung punong-puno ba ng sama ng loob ang tatay ko nung nag-iisip siya ng pangalan ko.

Speaking of pangalan, ang theme ng mga pangalan ngayon ay yung cool. yung mga pangalan na; Kajo o Dhenzho, cool ang tawag sa mga ganyang panagalan, pero kung iisipin mo, matagal na ang mga pangalan na yan, Yung Kajo ay Kadyo, Yung Dhenzho ay Dencio. Nagbago lang ang ispeling pero pareho pa din ang tunog. Teka nga… Palitan ko na din kaya ang ispeling ng pangalan ko?

Aray Ko Blangko

Tinatamad akong magsulat. Gusto kong magpost ng entry kaso tinatamad akong magtype, ayoko din mag-isip. Kanina pa nagdedebate and left at right side ng utak ko kung magsusulat ba ako o hindi.

Naalala ko tuloy, nung nasa college pa ako, member ako ng staff sa university publication. masipag akong magsulat noon. First semester ko sa publication ang dami kong by-line. pero nang lumaon parang tinatamad na ako.  Nang mapili akong editor-in-chief sa school paper akala ko pwede na akong magpalaki ng jetlogs at magtamad tamaran sa pagsusulat, pero pohta, mas lalong dumami ang trabaho. pagtinatamad magsulat ang mga writers, obligasyon mong punuaan ang pahina ng magazine. Kung ano anong topic; Pangalan ng tuta ni madam university president, pagtaas ng tuition fee next year, bagong repair na silya sa lumang building, bagong pinturang sa banyo at maraming iba pa.
 
Nakakapraning ang maging editor minsan, lalo na kung panay ang tanggap mo nang sulat galing sa Admin at tinatanong ka kung kelan lalabas ang unang issue ng paper. Gusto mong magmura at magwala pero wala din namang mangyayari.  Pakiramdam mo para kang jumebs sa pampublikong inidoro, pagkatapos mong jumebs, pinidot mo yung flush, nagulat ka ayaw pumasok ang jebs mo dumadami lang ang tubig. barado pala, Binuhusan mo ng tubig sa kagustuhan mong ma flush ang jebs mo sa bowl pero mas dumami lang ang tubig sa inidoro. Gusto mong tumayo at umalis na lang pero hindi mo magawa dahil sa labas ng pinto may mga tao at alam nilang ikaw ang huling gumamit non.. . Walang kawala, dead end, frustrating.

Ang masarap lang sa pagiging editor-in-chip eh Libre ang tuition fee. Ang laki ng kupit dahil humihingi pa rin ako ng pangbayad ng tuition fee sa magulang. Balasubas and hinayupak.

Masarap magsulat, pero pag pinilit at wala talagang maisip, feeling mo parang lumalangoy sa lugaw ang utak mo. Nakakafrustrate. Tulad ngayon, Gusto kong magsulat pero wala talaga akong maisulat. Pilit akong nagiisip ng topic na pwedeng balahurain. Magsulat kaya ako tungkol kay Obama? Pero ano naman ang pwede kong isulat na hindi pa nasusulat tungkol kay Obama? Tungkol kaya kay Bush, Pero wala din namang magandang isulat kay Bush kasi wala din naman siyang nagawang maganda. kay Gloria kaya? wag na lang. Lab story Kaya ni  Bertong magtataho at yung matandang dalalagang may ari ng tindahan ng bagoong dun sa kanto? Pero parang ayoko ng chemistry nila eh.

Wala talaga akong maisip. Pipilitin ko pa bang magsulat? wala namang pressure. di bale na. wag na lang. siguro bukas okay na to malamang.

Awt Op Konteks

Walang magawa, nagboblog hopping ako sa mga paborito kong links nang napadaan ako sa blog ni Witchy. click dito, basa doon nang nagawi ako sa comment section ng latest entry niya. Sinagot niya yung isang comment ko sa dialect niya. Ang nakakalungkot, hindi ako marunong magbisaya. Masarap basahing yung nakasulat, may rhythm yung dialect, di ko lang talaga maintindihan. Pinilit kong intindihin, nilapit ko ang mukha ko sa monitor sabay bunot ng tissue sa container, pamunas ng dugo na unti-unti nang umaagos palabas ng ilong ko. Ayaw talaga.

Naalala ko tuloy ang sarili naming dialect sa Cagayan. Marunong ako ng tatlong dialect; Ilokano. Itawes at Ibanag. Kaya minsan napapaghalo-halo ko na ang mga words. Minsan may kausap akong Ilokano, asa kasarapan na ako sa pagkukuwento nang mapansin kong parang lumalangoy sa bagoong ang mukha ng kausap ko. Saka ko lang na realize na nasisingitan na pala ng Itawes at Ibanag words ang ilokano ko. Ang masama pa doon ay ilang beses ko nang nasasabi ang salitang “takki” na ang ibig sabihin sa Ibanag ay “Paa” ngunit sa ilokano ang ibig sabihin noon ay “tae”. Isipin mo to; Ang gusto kong sabihin ay “Naapakan ko ang paa nung chicks” ang pagkakaintindi ng kausap ko eh “Naapakan ko ang tae nung chicks” pohta, isipin mo, out of context na nga, mapagkakamalan ka pang abnormal.

Ang daming bagay-bagay sa native dialect ang inosente kung tutuusin. Pero dahil nga diverse ang culture ng pinoy, and each culture comes with its own set of dialect, nagkakaroon ito ng nuisance pag naghalo.

Meron pang minsan, pumunta ako sa maintenance department para maghanap ng washer. Yung bilog na metal na may butas sa gitna na kadalasan ay pinaglulusutan ng pako pagnagkakabit ng yero sa bubong. Ang tawag nun sa Itawes ay “huli” and tawag nun sa ibanag ay “Vuli” at sa ilokano ay “Buli”. Ang nadatnan kong  tao sa maintenance ay si Miss(pronouced as missed dahil tumanda nang dalaga) Melda na mas kilala sa opis sa tawag na Liz, short for Elizabeth (Ramsey).

 Ngumiti ako ng malaki sabay sabi ng “Miss Melds meron ka ba ditong… ah… yung bilog na… yung…” hindi ko mahagilap sa utak ko kung anong tagalog ng washer “…yung ano… yung…Buli”. Sa di ko malamang dahilan parang nabigla ang ale tapos biglang namungay ang mata.

“Ano ulit ang hanap mo?” tanong nito sa akin na parang may landi ang boses.

“yung ano…” sabi ko sabay pinagdikit ang thumb at pointer finger pabilog. “Buli… yung ano… hindi ko kasi alam sa tagalog e”

Biglang dumating yung isang ale sa maintenance, tinanong kung anong kailangan ko. Sinagot siya ni Miss Melda ng Dialect. nagusap sila ng medyo makagal. wala akong naintindihan. pagkaraan ng ilang minuto tinanong ulit ako nung ale kung anong kailangan ko. Lumapit ako sa mesa at idinrowing ang itsura ng washer sabay explain ng gamit nito.

“ahhh…” sabi ni ate “yung parang sa bubong?” tanong nito.

“Yun nga!” sagot ko.

Tumawa pa ito ng malakas bago sumagot ng “Wala kami nun dito eh.”
Tinanong ko sa kanya kung anong nakakatawa. binulungan niya ako “Alam mo bang ang ibig sabihin ng buli sa Bicol ay pekpek?”

Nagulat ako, lumaki ang mata, namula ang mukha sabay lingon kay Miss Meldang namumungay pa rin ang mata.

Sumagot ako “hindi po” sabay talikod at nagmamadaling lumabas ng pinto. Habang nagmamadali kong binabagtas ang parang sumisikip na corridor, Panay ang bulong ko sa sarili ng “Okay lang yan, di mo alam, Okay lang yan, di mo alam”

Mental Dysmenorrhea (a.k.a Haw D Sekand Post (judged!) Keym To B)

brain2
Ang tagal kong nawala sa sirkulasyon. Umabot na ng 23,350 hits at 297 spam and aking blogsite ng hindi ko nalalaman. Ang hirap magsimula ulit. Tagal kong hindi nakapagsulat ang tagal kong mag-warm up. Parang makinang diesel na hindi pinaandar ng ilang dekada,bukod sa kinakalawang na, pag napaandar, pupugak-pugak pa.
 
Oras ng trabaho pero walang magawa. Nagbukas ako ng notepad (mas komportable akong magtype at magsulat sa notepad kesa sa MS Word). Tumitig sa blankong screen, and daliri tatapik-tapik sa keyboard, huminga ng malalim, Pumikit, dumilat, pohta, wla pa ring maisulat.
 
Nagtype ako ng title. after 15 minutes yung title pa din ang nakasulat. Naisip ko, siguro kung may na type akong isang pangungusap (wow tol ang lalim! pangungusap!! syempre tagalog ang sinusulat ko e), kahit isa lang,  e medyo magtuloy tuloy na. Hindi talaga. kailangan kong maglakad-lakad.
Nagpaalam ako sa supervisor, “Boss, yosi break muna ako”.
Sumagot siya “yosi break? e hindi ka naman nagyoyosi ah” medyo kumunot ang noo. naisip niya siguro na wala na nga akong ginagawa, nakuha ko pang magbreak. 😆
Sabi ko, “paglabas ko ng building siguradong makakasinghot ako ng second hand smoke”
Sa dami ng nagyoyosi sa labas walang sablay yon. Pinayagan ako.
Umupo ako sa baba ng sosing condo, yung gwardiyang bored na bored ang itsura, nagmaganda loob na paupuin ako don. Maya maya lang naging maaksyon ang eksena, si kuya gard na ala aksyon star kalaban ang bata. kakaasar na eksena.
Tumayo ako bumalik sa opis. may ideya na ako. Umupo ulit sa aking silya tumitig sa screen ng kompyuter. gusto kong magsulat ng tagalog, ayaw mag transliterate ng brain ko. englesin ko na lang. tinira ko ng ingles, mayaya gumana, ang aking ilong parang gustong mag dysmenorrhea (tama na ang ispeling ko ngayon!!! bwahahaha), nagsimulang sumasakit ang ulo ko sa subject-verb agreement. taena, di bale bulong ko sa sarili. malapit nako makapagpost.