Kol Senter Saga, Bolyum Wan

Agents

The LOOK: Ang hirap talagang magtrabaho sa call center. Di importante kung Sekyu  o agent o supervisor o trainor o presidente ka ng kumpanya. Paglabas mo sa umaga parang may salbabida sa palibot ng iyong mata sa laki ng eyebag mo. Parati kang mukhang guilty sa lahat ng bagay dahil di mo maiwasang matulala sa antok.  Kagaya na lang nung isang araw, sumakay ako ng bus pauwi sa Fairview. Pagkaupo ko sa bus may maiit na batang napadpad sa malapit sa upuan ko. Ngumit ako dun sa bata sabas taas ko ng palad ko na aktong hihingi ng isang “gib mi payb”. laking gulat ko nung biglang kinaladkad ng nanay yung bata, sabay sabing “maghunosdili ka ngang bata ka, kung kani kaninong tao ka lumalapit di mo ba nakikita na mukhang adik yang”. sabay nguso sa akin. “..tingnan mo nga yang mata, mugtong mugto parang wala pang tulog, ganyan ang epekto ng shabu, hindi ka patutulugin!” Sus ginoo! Wala kang magawa kung di magkamot na lang ng ulo.

Dito sa trabahong ito ka din makakakita ng mga taong naka sunglasses sa hatinggabi. Ang usuall na paliwanag ng agent eh “Its so bright on the floor eh!” una kong narinig ang linyang ito nung nag-aaply pa lang ako. natanong ko tuloy sa sarili ko kung papano nila nilagay ang ilaw sa sahig. Yun pala, Floor ang tawag nila dun sa working area.  Naisip ko tuloy dati na hindi ako magsusubayb sa trabahong ito. Di pa man din ako nagsisimula eh litong lito na ako. Kelan ko lang na realize na gumagamit yung iba ng sunglasses hindi dahil sa it’s so bright on the floor eh kung hindi dahil ang iba ay sumisimple ng tulog.

The WORK: Minsan tinatanong ako ng kapitbahay kung ano daw ba yang call center? paano ka daw ba kikita diyan? So kailangan mong i explain ang basic concept ng Outsourcing, ng BPO at kung ano ano pa. Pagkatapos mong magkabulol-bulol mag-explain, tatango-tango lang ang kausap mo tapos tatanungin ka ulit ng “e ano nga ba yang call center? paano ka ba kikita diyan?” Anak ng pota. Makakapatay ka talaga ng tao. Kaya nga minsan di ko na lang sinasagot ang mga tanong na ganito.

Narinig nyo na ba yung tinatawag nilang Toll-free number? Ito yung mga Telephone number na nagsisimula sa 1-800 o di naman kaya ay 1-866. Ganito ang konsepto nun; may amerikanong bumili ng spaceship tapos gusto niyang malaman kung papano bubuksan ang pinto, o kung gusto niya malaman kung pwede bang gumamit ng deisel sa makina o di naman kaya ay kung papano irecline ang upuan, instead na buklatin niya yung manual na ksama nung ipinadala yung spaceship, tatawagan ka niya para iexplain lahat lahat.  At kung minamalas-malas ka pa, bibingo ka pang makakatanggap ng tawag sa kanong halos isubo ang receiver ng telepono sa galit. Bakit daw ganito daw ang ganito? bakit ganun daw ang ganun. Tinamaan ng lintik!  Sa madaling sabi, Ikaw ay isang walking manual o di kaya ay walking calculator o tinatawagan ka lang para bulyawan ka dahil pinagalitan siya ng misis niya nung hindi niya mapaandar yung spaceship.

Bisnes Maynded

c

Ano ang gagawin mo pag bigla kang tumama ng milyones sa lotto? Kung ako ang tatanungin mo? honestly, hindi ko alam. Wala lang. Naisip ko lang tanungin kasi nung isang araw, nabasa ko sa internet na yung tumama ng $33 milyon sa lotto sa US of A e gustong gastusin yung pera niya sa pagpapatayo ng School of Witchcraft.  Yun bang tipong real life Hogwartz. Tinamaan ng lintik! Sa dinami dami ng puwedeng paggagamitan ng pera, masyadong fixated ang taong ito na magdevelop ng maraming-maraming Harry Potter. Kung tutuusin wala naman sana akong pakiaalam kung saan niya gagastusin ang kaniyang pera, kasi ng pera naman niya yun. Di ko lang talaga maisip ang business side ng ganitong negosyo. Isipin mo ang breakdown ng miscellanious fee; P2000 for Magic Kawali, P1500 for Magic Wand (Made from balete wood and balahibo ng pugo) Class B wands are also available for P500 (made from puno ng alateris and pilikmata ng askal). Putang inang buhay to o. Di naman talaga kailangan ng eskwelahan para matutong mag madyik eh. Tingnan mo si pareng Erap. Nag-aral ba siya sa Hogwartz? hindi naman ah. Pero kita mo naman, ang galing sa madyikan. Sa isang Iglap yung Boracay mansion na dapat sanay kinumpiska na ng gubyerno, biglang naglaho. Pader lang ang natira. Idagdag mo pa yung bilyones na naglaho sa bangko. kitams!  Kaya sa umpisa pa lang, dead investment na yang school of witchcraft na yan kung sa My Beloved Pilipins mo ipapatayo. Kasi marami sa ating mga pinoy ang likas nang madyikero.

Kung si Bosing Tigasin na kapatid ni General ang tatanungin mo about bisnes, may maganda siyang idea. Gusto niyang magpatayo ng Massage Parlor na may popping on the sides. Sa madiling salita, Prostitution Den. Bilib talaga ako sa utak ng taong ito. Madaling matuto. Dati kasi illegal logger itong si Bosing Tigasin. Isa siya sa dahilan kung bakit ang dating mabulbol na gubat ng Cagayan eh ngayo’y panot na. Paano ba naman kasi panay panay lang ang ginawang pagtumba sa mga puno na hindi man lang nagtatanim ng bago. Ang dating luntiang Paraiso ng Siera Madre ngayo’y naghihingalo na (pohtangina ang lalim dude!). Eh what do you expect, Subukan mo kayang manigarilyo na puro hithit lang at walang buga. Tingnan mo kung gano katagal bago ka mamatay sa cancer. Morale of the Story: Ang illegal logging bisnes ay kumikita lang habang may puno. Pag-ubos na ang mga puno, parang tinamaan na rin ng kanser ang bisnes mo. Ayon sa law of ekanamix. kung gusto mo ng continous flaw ng bisnes, dapat inexhaustible ang source (ewan ko lang kung totoo). Kaya ngayon itong si Bongards gustong pasukin ang prostitusyon.  Ang puhunan? konting halaga para magpagawa ng mga cubicle, Mayor’s Permit para sa front na massage parlor, Babae (kahit di gaano kaganda basta sustentado ng mek-ap na sobra sobra). Tapos aasa ka sa inexhaustible na libog ng tao para tuloy-tuloy ang bisnes.

I Beg Yur Pardon?

erap

Nasubukan mo na bang matanong na alam mo ang sagot pero di mo alam at the same time? subukan mo minsan, para kang najejebs habang pinipitik-pitik ang itlog mo. Di mo malaman kung alin sa dalawa ang dapat mong tiisin.  ganun ang nangyari sa akin nung isang araw. Nanonood ako ng TV patrol tungkol sa pardon kay pareng Erap nang bigla akong bulagain ng isang mukhang nakangisi sa may bintana. Sa gulat ko napasigaw at napatayo ako bigla. Si Botong lang pala, yung kapitbahay kong Erap fanatic bitbit-bitbit pa ang anak na si Toto, six years old pupil sa eskwelahan niya. naging tradisyon na ng mag-ama na bulabugin  ako tuwing oras na ng balita sa telebisyon. Hindi ko lubos maiisip kung bakit sa dinami-dami naming magkakapit-bahay, sa amin niya napipiling pumunta. Iniisip ko na lang na marahil ay nageenjoy siyang makinig sa mga walang kwentang opinyon ko, o di kaya natutuwa siya pag naririning niya akong napapamura pag may biglang lumalabas na mukha ng pulitiko sa screen.
Nasa kasarapan na ng balita at medyo may momentum na ang aking pagmu-mura nang bigla akong tanungin ni Joy kung bakit daw nag-pardon si Erap, ibig daw bang sabihin nun eh magnanakaw siya ulit? Halos masamid ako sa sarili kong laway sa tanong. Sabi daw kasi ng titser niya, pag sinabing “Pardon?” ibig sabihin daw nun sa salitang tagalog eh “paki-ulit”. Hindi ko alam kung paano ko tuloy siya sasagutin ng deretso. Medyo may first hand experience naman ako sa debate nung kolehiyo. Medyo nasanay ako sa mga intimidating at mga barubal na tanong, pero ibang usapan tong batang to. Dito walang objection at walang ring fallacy. Lahat ng rules ng question and answer dito parang na-flush sa inidoro.  Napilitan tuloy akong mag explain. Pilit kong ipinaliwag kung anong ibig sabihing ng “pardon” na ito at kung sino ang nagbigay ng pardon. Laking gulat ko nung mapansin kong tatango-tango yung bata. For the first time may sumeseryoso sa paliwanag ko. Ang nakakalungkot lang eh sa tuwing may isang tanong akong nasasagot bumabato siya ng dalawang tanong. Putang inang check and balance naman kasi yan ginawang masyadong complicated ang hirap tuloy ipaliwanag sa six years old. Isang semeseter ko ngang pinag-aralan yan sa Political Science wan-o-wan gakulangot lang ang naintindihan ko, yun pa kayang iexplain mo ang konsepto sa isang taong di pa name-memorize ang lupang hinirang. Parang bigla kong gustong magrosaryo. 
Bakit pinalaya siya? Di ba maraming pera yung ninakaw niya? bakit yung tatay ni Buknoy nagnakaw lang ng bakal dun sa bakod ng MMDA hanggang ngayon nakakulong pa rin? Di ba nga bad ang magnakaw? Sunod-sunod niyang tanong. Para akong lumalangoy sa kumunoy. Pakiramdam ko habang sumasagot ako ng sumasagot sa tanong niya parang pasama ng pasama ang tingin niya sa gobyerno.  Ayokong magkasala, minsan na akong napagbintangang nag iindotrinate daw ng tao sa makakaliwang paniniwala. Tinamaan ng lintik! Di ko nga alam ibig sabihin ng indotrinate eh, yun pa kayang dagdagan ng salitang makakaliwa. eniwey. Halos di ko na malaman ang gagawing ko. Sa kagustuhan kong I-ekspleyn na hindi masama ang gobyerno medyo natagalan ako sa kakaisip nang biglang sumingit sa usapan itong si Botong, sabay sabing “Nakoww!! Ganito lang yan.  lahat naman kasi ng Presidente ay nagnanakaw. Si Erap lang talaga ang talagang makabayan at dito niya sa Pilipinas ibinangko ang kanyang  pera. yung ibang presidente, sa switzerland pa nagbabangko.” Nakagat ko and dila ko sa pagkalito. Naletse na.
Sa susunod di ko na papapasukin sa loob ng bahay ang batang ito pag kasama niya niya tatay niya.